Friday, March 6, 2015

Ang sayo, kanya at akin

Ikaw ba ay nakakakila kina Lapu-Lapu, Cory o Rizal?
Ikaw ba ay tipo ng tao na mahilig dumasal o sumugal?
Ikaw ba ay nakasakay na sa habal-habal, motorela o kalesa?
Ikaw ba ay narinig na ang mga kantang  Anak, Sirena o Prinsesa?
Ikaw ba ay naglaro na ng taya-tayaan, tagu-taguan o bahay-bahayan?
Ikaw ba ay nagpasalamat na sa nakakamit mong kalayaan?

Ikaw ba ay nagaral ng Filipino, Hekasi o Sibika?
Ikaw ba ay nagtratrabaho sakay ng jeep, bangka o baka?
Ikaw ba ay nakakain na ng balut, adobo o halo-halo?
Ikaw ba ay bata na namamalo o napalo?
Ikaw ba ay nangharana na o naharana na?
Ikaw ba ay sawi, nagdradrama o umaasa pa?

Ikaw ba ay nakapanood na ng laban ni Manny, Onyok o Elorde?
Ikaw ba ay parte ng iskwela na kahel, pula, asul o berde?
Ikaw ba ay taga-hanga ng Asin, APO o Parokya?
Ikaw ba ay nakasuot na ng barong o baro't saya?
Ikaw ba ay nakaranas na ng sunog, lindol o bagyo?
Ikaw ba ay nakapagulam na ng tinapa, isaw o tuyo?

Ikaw ba ay naging tagasunod ni Nora, Judy Ann o Bea?
Ikaw ba ay nakaboto na o iboboto ba?
Ikaw ba ay tamad, o masipag, tambay o naghahanap-buhay
Ikaw ba ay naniniwala na puti ang mas magandang kulay?
Ikaw ba ay nanakawan na o tinakbuhan?
Ikaw ba ay taga-barrio o taga-bayan?

Ikaw ba ay nahilo na sa pila sa botika?
Ikaw ba ay nakatulog na sa trapik sa Edsa?
Ikaw ba ay galit sa sistema?
Ikaw ba ay di na natutuwa sa iskwela?
Ikaw ba ay naririnda sa turo-turuan sa pulitika?
Ikaw ba ay namatayan na sa kawalan ng hustisya?
Ikaw ba ay nagkasakit na sa kakulangan ng sustansya?
Ikaw ba ay naghihirap dahil sayong nakikita?
Ikaw ba ay susuko na?

Ito Ang Pambasa...Ikaw, Ako, Sila, Tayo na parte ng tela
Tela na may kulay puti, dilaw, asul at pula
Tela na napapaloob ang isang araw at tatlong tala
Isang kalupaan, katubigan at kalangitan...
Kay daming suliranin, himotok at hapis
Kay dami riing dapat kariktan, asahan at kalingain
Ikaw ay anak ng araw, anak ng pawis, anak ng kasaysayan
Ikaw ay kahihiyan
Ikaw ay katamaran
Ikaw ay kasuklaman
Ikaw ay malaya
Ikaw ay may-kaya
Ikaw ang maharlika
Ito Ang Pambasa...na tama't mali sa kasalukuyan
Ang Pambasa na magpapakita ng bahag-haring sumisilang at nagliliwang...
Makinig, Magisip, Magsalita, Magsagawa..,ng para sa makabansa
At tayo'y magsalita, makiparte at magpakilala
Dahil ikaw, ako, tayo ay Filipino
Ito'y isigaw, ikanta at at isabuhay
Halika't simulan masabi ang iyong pambansa...

No comments:

Post a Comment